MANILA, Philippines - Iwas suhol at korupsiyon ang ipinatutupad ngayon ‘clamping’ sa lungsod ng Maynila.
Ito naman ang binigyan diin ni Manila Vice Mayor Isko Moreno, kasabay ng kanyang panawagan sa mga motorista na makiisa sa kanilang bagong kampanya upang maibsan ang masikip na daloy ng trapiko.
Ayon kay Moreno, ang may ari ng sasakyan na ng tire clamp ang direktang makikipagtransaksiyon sa city hall at tutubos kung saan hahanapin ang traffic enforcer na may dalang susi saka pa lamang ito matatanggal.
Paliwanag ng bise alkalde, clamping ang kanilang ipinalit sa towing na kabi- kabila ang reklamo dahil na rin sa umano’y harassment at pangingikil ng mga enforcer.
Subalit sa clamping, wala ng susuhulan o magkikipagtransaksiyong traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa mga illegally parked na sasakyan.
Layunin ng clamping na maipakita ang transparency ng pakikipagtransakyon ng mga motorista sa pagtubos sa kanilang mga sasakyan. Aniya, malaking halaga ang P900 na multa sa mga sasakyan malalagyan ng clamp kaya’t pinapayuhan niya ang mga motorista na mag-park ng kanilang sasakyan sa mga lugar na inilalaan o maging sa mga mall.
Giit ni Moreno, nais lamang nilang disiplinahin ang mga motorista na nasanay ng pagpa-park sa mga lugar na ipinagbabawal na nagiging dahilan ng pagsisikip ng mga lansangan.
Umapela rin si Moreno sa mga motorista na makiisa sa kanilang kampanya dahil mas marami pa ang makikinabang dito.