MANILA, Philippines – May 350 mga mag-aaral na nabigyan ng trabaho ng Quezon City government ngayong summer vacation na maaaring makatulong sa kanila para panggastos sa susunod nilang pag-aaral.
Ang proyektong ito na tinawag na “Hanapbuhay 2015,” ayon kay QC Mayor Herbert M. Bautista ay taunang ginagawa para paglaanan ang mga mahihirap pero deserving na mag-aaral na kumita na bahagi ng pagpapasalamat sa kanila bilang kabalikat ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng lungsod.
Sa ilalim ng Special Program for the Employment of Students (SPES) o Summer Job Program 2015, ang mga student-trainees ay ilalagay sa iba’t ibang tanggapan sa QC hall at barangays para sa clerical, field, monitoring at survey work.
Ang isang student-trainee ay tatanggap ng P9,320 bilang sahod sa loob ng 20 araw base sa prevailing minimum wage na P466 kada araw.
Ang 60 percent o P5,592 ng sahod ng mga mag-aaral ay mula sa pondo ng QC government habang ang 40 percent o P3,728 ay mula sa pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang SPES na nagsimula noong taong 1993 ay isa sa proyekto ng QC government para matiyak na magkakaroon ng magandang edukasyon ang mahihirap pero deserving students.