Pagbigat ng trapik sa SLEX at NLEX, nagsimula na
MANILA, Philippines – Dagsa na ang mga sasakyan at nagsisimula nang bumigat ang trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) at sa South Luzon Expressway (SLEX) kahapon.
Bagamat ayon sa SLEX Traffic and Safety Management chief Chito Sibol na nararamdaman na ang volume ng mga sasakyang patungo sa south, kaya pa naman umano nilang ma-manage ang traffic.
Mula noong Biyernes ng gabi, mahigit sa 300,000 sasakyan ang dumaan sa SLEX. Nasa 245,000 lamang ang regular na dumadaan dito.
Dahil nga rito, nagdagdag na rin sila ng ambulant teller partikular sa Calamba at Sto. Tomas Toll Plaza. Pwede rin umanong magbayad ng toll sa mga gasolinahan sa kahabaan ng SLEX.
Malaking bagay umano at makakabawas sa pagsisikip sa mga toll gate kung maghahanda na ang mga motorista ng eksaktong bayad.
Sa NLEX naman, magpapatupad naman rito ng express exit card para lalong mapabilis ang biyahe.
Matapos umano na makabayad sa Bocaue Toll Plaza, kailangang bumili ng card sa gasolinahan sa NLEX. Gamit ang card, hindi na kailangan pang huminto sa Dau Toll Plaza dahil sa Mabalacat na ibibigay ang stub.
Mas inaasahan pang mas bibigat at madaragdagan ang volume ng mga sasakyan sa Martes, Marso 31 at Miyerkules Santo hanggang sa Huwebes Santo sa Abril 2.
- Latest