MANILA, Philippines - Dalawang binatilyo ang sugatan makaraang undayan ng saksak ng dalawang suspect habang sakay sila ng isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima, ayon sa ulat ni SPO1 Marcy Joy Nuñez ng Quezon City Police Station 3 Womens Children and Protection Desk ay mga nasa edad na 14 at 15 , mga residente sa Santa Queteria , Caloocan City.
Sinisikap naman ng awtoridad na matukoy ang mga salarin na mabilis na tumakas matapos ang pananaksak.
Sa ulat ni SPO1 Nuñez, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quirino Highway harap ng Baesa Town center, Brgy. Baesa, ganap na alas- 9:30 ng gabi.
Bago ito, sumakay umano ang mga biktima sa isang pampasaherong jeepney sa may kanto ng Quirino Highway at T.S. Cruz Subdivision, Brgy. Baesa, para makauwi ng kanilang bahay matapos na dumalo sa isang birthday celebration ng kaibigang si Shabby sa naturang subdivision.
Nang makasakay ay sumunod ang dalawang suspect na sumakay din sa jeepney, habang binabagtas nila ang direksyon ng Balon Bato, at makarating sa Baesa Town Center, biglang nagbunot ng patalim ang mga una, saka magkasabay na inatake ng saksak ang mga biktima. Matapos ang pananaksak, agad na nagsipagbabaan ang mga suspect, habang ang mga biktima naman ay isinugod sa Quezon City General Hospital, kung saan sila kapwa nilapatan ng lunas.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang PS3 upang matukoy ang mga nasabing salarin na posibleng nakursunadahan lamang ang mga biktima dahil dayo ang mga ito sa lugar.