MANILA, Philippines - Nakaligtas ang isang driver matapos masunog ang minamaneho nitong van na naglalaman ng mga construction material dahil sa problema sa electrical wiring, na nagdulot na naman nang pagsisikip sa daloy ng trapiko, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Ayon sa pahayag sa Pasay City Police Traffic Bureau ng driver na si Kerbie Rubio, naganap ang insidente ala-1:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng Taft Avenue ng naturang lungsod.
Minamaneho ni Rubio ang naturang van (WKN-263) na naglalaman ng mga construction materials na kanyang idedeliber sa area ng Las Piñas City.
Ayon dito pagsapit niya sa tapat ng MRT-Taft Station ay bigla na lamang nagliyab ang passenger seat at himala itong nakaligtas dahil kaagad itong nakalabas ng sasakyan.
Tumagal ng halos sampung minuto ang sunog, na ang dahilan ay problema sa electrical wiring.
Nagdulot naman nang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga motorista ang naturang insidente.