MANILA, Philippines - Patay ang isang barangay tanod makaraang pagsasaksakin ng isang itinuturong magnanakaw habang nagtatrapik ang una sa kanilang barangay sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital dahil sa mga saksak sa sikmura ang biktimang nakilalang si Eduardo Garcia, 53, ng Brgy. 32, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na si Cedric Sy, alyas Pungay, 36, ng L. Lupa St., ng naturang barangay.
Sa imbestigasyon, lumalabas na unang sinita ni Garcia si Sy sa pagnanakaw nito ng mga scrap na bakal sa isang bakanteng lote sa kanilang barangay kamakailan.
Dito na umano nagtanim ng sama ng loob ang suspek sa tanod.
Dakong alas-5:30 kamakalawa ng hapon, nagmamando sa daloy ng trapiko ang biktima sa may A. Mabini St. nang sumulpot si Sy at sunud-sunod na undayan ng saksak si Garcia saka mabilis na tumakas dala ang patalim na gamit nito.