MANILA, Philippines - Mahigpit na ipapatupad ng pamunuan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang ‘No registration, no travel policy’ sa lahat ng motorista simula sa Abril 1.
Ayon kay DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, inimpormahan na niya ang lahat ng traffic law enforcement sa bansa na istriktong ipatupad ang bagong policy para sa lahat ng ‘four-wheeled motor vehicles’ na bumibiyahe sa bansa.
Sinabi ni Abaya, ang isang brand new o bagong sasakyan ay dapat sa loob lamang ng isang linggo ay may registration na at pitong araw lamang bibigyan ng exception upang hindi pigilin at arestuhin ang driver nito.
“We held back from implementing this rule before, because the lack of license plates was our responsibility. But now that we have been able to issue new license plates within 7 days from start of registration, we have no more reason not to implement the law,” sabi ni Abaya.
Lahat ng hindi susunod sa bagong policy ng DOTC ay pagmumultahin ng P10,000 habang ang driver nito o nagmamaneho ng sasakyan ay pagbabayarin ng P1,000.
Sa mga sasakyan naman na wala pang plaka na masisita ng mga awtoridad ay kailangang magprisinta ng kanyang Official Receipt at Certificate of Registration (OR-CR) upang makaiwas sa abala at multa.
Ang sinumang driver na walang maipakitang OR-CR ng minamanehong sasakyan ay pagmumultahin ng P5,000.