MANILA, Philippines – Nakatutok ngayon ang Caloocan City Police sa kaso ng enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na umano’y nilason ng mga holdaper habang pauwi ito sa kanyang bahay sa lungsod, kamakailan.
Sinabi ni Caloocan City Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante na “bactracking” sa insidente ang ginagawa ngayon ng kanilang mga imbestigador dahil sa matagal umano bago naiulat sa kanila ang insidente.
Sinabi ng opisyal na naganap ang sinasabing panghoholdap noon pang Pebrero 17 at naiulat lamang sa pulisya apat na araw ang lumipas. Idinagdag pa nito na biniberepika rin nila ang mga pahayag ng misis ng biktimang si Alfredo Barrios, dahil sa maraming “inconsistency” umano sa mga sinasabi nito.
Idinagdag pa ni Bustamante na isang buwang naratay sa East Avenue Medical Center ang biktima at nakarekober na sa ipinainom umanong “battery solution” ngunit nalagutan ng hininga nang papalabas na ng pagamutan.
Isa ring tutukuyin ng pulisya ang tunay na sanhi ng kamatayan ng biktima dahil sa mga ulat na namatay ito dahil sa atake sa puso o “acute respiratory arrest”. Hinihintay naman umano ng pulisya ang resulta ng awtopsiya habang kumukuha na rin ng testimonya ang mga imbestigador sa lugar ng krimen.
Sa ulat, pauwi na sa kanyang bahay ang biktima nang harangin ng tatlong lalaki at holdapin sa may Brixton, Camarin. Puwersahan pa umanong pinainom ng mga suspek ng lason ang biktima.
Naglabas naman ng P100,000 reward money ang MMDA para sa agarang pagdakip sa mga sinasabing holdaper.