Sa bumagsak na girder launcher; contractor ng NAIA Expressway project, sasagutin ang danyos

Ang nagkalat na parte ng girder launcher na bumagsak buhat sa ginagawang NAIA Expressway project kamakalawa ng hapon na nagdulot ng matinding trapik sa malaking bahagi ng southern part ng Metro Manila. Edd Gumban

MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ng contractor ng NAIA Expressway project na sasagutin nila ang naging danyos sa walong  sa­sakyang nabagsakan ng girder launcher  noong Lunes ng hapon sa Pasay City.

Sinabi ni Dwight Taala, Project manager ng DMCI, magsasagawa rin ng sa­riling imbestigasyon ang kanilang kompanya at isa sa mga tinitingnan nilang anggulo ay ang operator error­ at machine­ failure.

Kabilang sa kukunan nila  ng pahayag ang ope­rator ng girder launcher na nakilalang si Armando Pora, 41, kung saan sinabi nitong matagal na ito sa kanila at sumailalim pa ito sa ma­tinding training.

Kaugnay naman aniya sa mga motoristang naantala ang biyahe, partikular ang mga naghabol ng flights sa NAIA ay hihintayin muna nila ang reklamo bago sila maglabas ng pahayag.??

Dahil sa insidente, hu­mingi na ng paumanhin ang naturang construction company at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa publiko lalo na sa mga motoristang naapek­tuhan ng matinding trapik.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pansamantalang itinigil ang clearing operations at ayon pa sa DMCI, posible aniyang abutin ng tatlong gabi (alas-11:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw) bago aniya  tuluyang mabaklas at maialis ang girder launcher na bumagsak.??

Dahil naghihintay pa aniya­ sila ng permit para rito at ayon sa DPWH sa assess­ment umano ng general­ manager ng naturang kompanya, posibleng abutin ng isang buwan bago maka­kuha ng bagong girder launcher­ para sa pagpapa­tuloy ng konstruksyon sa lugar.

Nabatid, na posibleng ma­antala aniya ng ilang linggo ang konstruksiyon dahil sa insidente.

Alas-3:00 ng hapon kamakalawa, bumagsak ang girder launcher ng crane, na ang kontraktor nito ay ang DMCI  sa may Andrews Avenue, Pasay City.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng MMDA at DPWH, sinubukan umanong patayin ang makina pero du­mausdos pa rin ang launcher.??

Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente pero may ilang sasakyan ang nabagsakan at ma­raming  motorista ang naipit sa matin­ding trapik.

Show comments