Holdaper utas sa shootout

MANILA, Philippines – Utas ang isa sa dalawang holdaper makaraang makipagbarilan sa isang pulis na rumesponde ilang minuto matapos na holda­pin nila ang isang driver sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang nasawi ay nakilalang si Ramil Juzgaya, 31, alyas Lupin, ng Gana Compound, Brgy. Unang Sigaw sa Lungsod. Siya ay nabaril ng pulis na si PO2 Edgar Villas ng Police Station 1 sa isang engkuwentro makaraang holdapin nila ang biktimang si Feliciano Padilla, 46, driver ng Brgy. 130, Caloocan City. Nakatakas naman ang isa pang kasamahan nito habang nakikipagputukan sa awtoridad. Ayon kay PO2 Julius Balbuena, imbestigador sa kaso, nangyari ang insidente sa harap ng Gubat sa Ciudad, Balintawak, Brgy. Balingasa sa lungsod, ganap na alas-4:10 noong Linggo ng hapon.

Bago ito, nakikipagkwentuhan umano ang biktimang si Padilla sa isang Michael Balaguit habang nakaupo sa kanyang L-300 (TGF-739) na nakaparada sa nasabing lugar nang biglang sumulpot si Juzgaya at tinutukan ng baril sa ulo ng una, sabay kuha sa pera nito na halagang P160.00, habang nagsilbi namang lookout ang kasama nito. Nang makuha ang kanilang pakay ay nagtatakbo patungong EDSA, papasok sa Gana compound ang mga suspect. Tiyempo namang nagpapatrulya si PO2 Villas at nakita ni Balaguit saka hiningan ng tulong.

Ang nasawing suspect ay nagtamo ng isang tama ng bala sa likod at sikmura na ikinamatay nito. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments