MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay na siya pa rin ang alkalde dahil sa inilabas na temporary restraining order ng Court of Appeals.
Sinabi ni Binay na wala silang dapat pag-usapan ni Vice Mayor Romulo “Kid” Peña na nagsasabing siya ang acting mayor ng lungsod.
“We stand firm, that with the temporary restraining order issued by the Court of Appeals, there should be no doubt that I am the only mayor of the city of Makati,” pahayag ni Binay ngayong Lunes.
“Walang dapat pag-usapan kasi may order na. Kailangan natin sundin ang nasasaad sa batas. Kailangan sigurihin natin na walang gulo. Mapayapang nag-aantay at nag-aabang ang mga tao.”
Samantala, nanawagan din si Binay kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na sundin ang kautusan ng korte.
“Huwag natin isama ang mga tao dito. I have a clear mandate coming from the people of Makati, I have a restraining order from the CA. Let us respect the rule of law. Huwag natin sabihin na ang DILG ang masusunod dito. Ang huling pakiusap ko po kay Secretary Roxas ay sundin po natin ang batas, ang kautusang legal,” wika ng alkalde.
“My appeal to Secretary Roxas and to the LP (Liberal Party), tigilan na po natin ito. Taong bayan ang natatalo dito,” dagdag niya.
Kanina ay nagkaroon ng dalawang flag ceremony kung saan magkahiwalay itong ginawa sa luma at bagong city hall ng lungsod.