MANILA, Philippines - Huli ang mag-inang mandurukot sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) makaraang manlaban at habulin ng isang dalaga na kanilang biniktima sa Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Edna Villanueva 47 at anak na si Jennylyn, 22, dalaga, kapwa nakatira sa #1379 Prudencio St., Sampaloc, Maynila.
Sa reklamo sa Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong Police Station ng biktimang si Angela Margallo, 19, sinabi nito na dinukot ni Jennylyn ang kanyang mamahaling I-phone 6 na nagkakahalaga ng P50,000 habang siya ay palabas ng tren ng MRT sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, ganap na alas 9:30 ng gabi.
Ayon sa biktima naramdaman niyang sinisiksik siya ng batang Villanueva at sinabayan sa pagbaba sa MRT at sa isang iglap ay natangay ang kanyang cellphone.
Hinabol ng biktima ang suspek saka mahigpit na hinawakan ang kamay at hindi binitiwan kahit nagpupumiglas ito at mabilis na nagsumbong sa mga guardiya at inaresto saka dinala sa himpilan ng pulisya.
Sa interogasyon ay inamin ng suspek na siya nga ang dumukot sa cellphone ng biktima pero sinabi nito na naipasa niya sa kanyang ina.
Pinakiusapan ng mga awtoridad ang suspek na ibalik ang cellphone para patawarin siya, kaya’t tinawagan ng batang Villanueva ang kanyang ina dala ang cellphone ng biktima.
Pero pagkabalik sa cellphone ay hindi na rin pumayag ang biktima na pakawalan ang mga suspek sa halip ay tinuluyan niyang kasuhan upang hindi na muling mandukot pa.