MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante nang barilin at napatay ng kanyang nakagitgitan sa kahabaan ng C-5 Road, Mindanao Ext. Brgy. Ugong, Valenzuela City kamakalawa ng gabi.
Apat na tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ang tinamo ng biktimang si Erwin Tan, 47. Idineklara itong dead on the spot.
Nakilala naman ang suspek na si Rim Teoxon, 43 na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Lumilitaw sa inisyal na report na alas-9:00 ng gabi kamakalawa nang minamaneho ni Tan ang kanyang Toyota Innova (NWI-253) at binabaybay ang kahabaan ng C-5 Road pauwi sa kanyang bahay nang makagitgitan nito ang suspek na nagmamaneho ng Toyota Hi-Lux (UQN-816) sa nasabing lugar.
Nabatid na dalawang ulit na na-cut ni Teoxon si Tan hanggang sa pagdating sa Mindanao Ave. Ext. ay na-cut na ni Tan si Teoxon.
Dito na bumaba si Tan at pinuntahan si Teoxon sa kanyang sasakyan at kinompronta na humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktima.
Nang bumulagta ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek.