MANILA, Philippines – Patay ang isang 39-anyos na binata nang barilin ito ng kanyang pamangkin matapos magtalo, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Leo Berdida, pedicab driver, ng Barangay 1654, Zone 18 Malibay ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Jeffrey Hersalina, 21, nakatira rin sa naturang lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon nina SPO2 Genomar Geraldino at PO3 Giovanni Arcinue, ng Station Investigation Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-2:00 ng madaling- araw sa bahay ng magtiyuhin sa nabanggit na lugar.
Bago ang insidente ay nag-inuman muna ang mga ito at kasama ang ilang kaibigan nila, nakailang tagay lang ang biktima at nagpaalam ito sa kanyang mga kainuman na uuwi na.
Sumunod na ring umuwi ang suspek at makalipas ang ilang minuto, narinig na lamang ni Jonel, nakakatandang kapatid ng suspek, na nagtatalo na ang magtyuhin.
Sa kainitan ng pagtatalo ay kumuha ang suspek ng baril at pinutukan nito ang tiyuhing si Berdida at mabilis na tumakas.