MANILA, Philippines – Nagsimula na kahapong magpatupad ng re-routing ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista para sa inumpisahang rehabilitasyon ng isa sa mga matandang tulay sa Maynila, ang Ayala Bridge.
Alas-2:00 ng madaling- araw nang isara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Ayala Bridge.
Kabilang sa mga alternatibong ruta na ipinalabas ng MMDA, sa North-bound, mula Romualdez Street ay kakaliwa sa Ayala Boulevard at pagkatapos ay kakanan sa Taft Avenue papuntang Quezon Bridge.
Kung mula naman sa Roxas Blvd. o kaya’y Taft Avenue, puwedeng dumaan sa Quezon o Jones Bridge patungong Quezon Blvd.
Sa south-bound, mula Magsaysay, Legarda o Lacson ay maaaring dumaan ng Nagtahan o Mabini Bridge at maaaring kumanan ng Otis na diretso ng UN Avenue.