Drug free QC, isusulong ni Joy B
MANILA, Philippines - Isusulong ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte bilang chairman ng QC Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) ang pagpapatupad sa isang drug-free workplace sa lahat ng city government offices at barangay bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan kontra sa ilegal na droga.
Upang matiyak ang implementasyon ng programa, ipinanukala ni Belmonte ang pagsasagawa ng isang authorized drug testing para sa mga empleyado sa QC hall at sa 142 barangay sa lungsod.
Anya, ang drug workplace program ay ipatutupad alinsunod sa probisyon at mga regulasyon hinggil dito ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Bukod sa drug-free workplace program, ang QCADAAC sa ginawang council meeting ay nagpasa ng dalawang resolusyon na higit na magpapatindi sa kampanya kontra bawal na gamot.
Ang dalawang resolusyong ito na inaprubahan na ni QC Mayor Herbert Bautista ay nagpapahintulot kay Belmonte bilang QCADAAC chair na makikipagkasundo sa mga colleges at universities sa lungsod na magsagawa ng preventive education seminars para sa mga mag-aaral na kumukuha ng National Service Training Program (NSTP) at ang pangalawa ay ang pagpapahintulot kay Belmonte na makipagkasundo sa National Reference Laboratory for Environmental and Occupational Health, Toxicology at Micro-Nutrient Assay ng East Avenue Medical Center para sa drug testing services sa mga opisyal at empleyado ng QC hall at barangays.
- Latest