MANILA, Philippines - Ikinasa na ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad kaugnay sa nalalapit na paggunita sa Semana Santa at Summer Vacation na magsisimula na sa huling linggo ng buwang kasalukuyan.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., ipinag-utos ni PNP Officer in Charge P/Deputy Director Leonardo Espina ang maagang paglalatag ng security plan upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan partikular na ang mga motorista at mga commuters.
Ayon kay Cerbo, makakaasa ang mamamayan sa presensya ng mga pulis upang umagapay at magbigay seguridad sa mga ito sa panahon ng Semana Santa na papasok simula Marso 30 na susundan ng summer vacation.
Sinabi ni Cerbo na may sapat na bilang ng mga pulis na itatalaga para mangalaga sa seguridad sa panahon ng kuwaresma at summer vacation habang ang pagtataas ng seguridad ay ipauubaya na sa mga Regional at Provincial Directors ng PNP sa buong kapuluan.
Hinggil naman sa pagkakansela ng bakasyon ng mga pulis, ayon kay Cerbo ay ipauubaya na ito sa mga superior officers .
Samantalang mahigpit ring tututukan ang mga elementong kriminal na maaring magsamantala sa okasyon partikular na sa mga pamosong destinasyon ng mga turista at recreation area.
Inihayag naman ni Directorate for Police Community Relationns P/Director Danilo Constantino na naghahanda na rin ang kaniyang tanggapan para ipatupad ang mahigpit na seguridad sa naturang magkakasunod na mga okasyon sa bansa .
Samantalang , patuloy rin ang manhunt operations ng pulisya laban sa mga wanted sa batas, mga elementong kriminal at maging ang mga banta sa seguridad, loose firearms alinsunod sa Oplan Lambat Sibat ng PNP.
Idinagdag pa ng opisyal na upang maging epektibo ang kampanya kontra kriminalidad ay dapat makipagtulungan ang publiko sa pulisya at hinikayat ang mga itong magbigay ng impormasyon sa pamamagitan ng social media ng PNP tulad ng Twitter@pnppio, pnphotline, PNP facebook page at Isumbong Mo Kay Tsip hotline 09178475757.