MANILA, Philippines - Muling magsasagawa ng rail replacement works ang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) kaya’t late na itong mag-o-operate sa araw ng Linggo.
Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), magkakaroon ng regular operation ang MRT-3 bukas, Sabado (Marso 21) ngunit sa Linggo (Marso 22) ay alas-10:00 ng umaga na ito magsisimula ng operasyon.
Inaasahang aabot sa 192 metro ng riles ng MRT-3 ang papalitan sa northbound lane sa pagitan ng Taft Avenue at Magallanes Stations.
Ipinaliwanag ni DOTC secretary Joseph Emilio Abaya na itinakda nila ang rail replacement works sa ganitong paraan upang hindi makaabala sa mga pasahero.
Ang rail replacement ay isinasagawa sa MRT-3 bilang bahagi nang pagsusumikap ng pamahalaan na matiyak ang kaligtasan ng most utilized railway system sa Metro Manila.
Samantala, inianunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na suspendido ang operasyon ng LRT-1 at 2 ngayong Mahal na Araw.
Batay sa isang advisory ng LRTA na ipinaskil sa Twitter account nito, ito’y upang bigyang-daan ang taunang maintenance work nito.
Nabatid na magsisimula ang tigil-operasyon ng LRT-1 at 2 sa Huwebes Santo (Abril 2) hanggang Linggo ng Pagkabuhay (Abril 5).
Samantala sa Miyerkules Santo naman ay maagang magsasara ang LRT-1 at 2. Ayon sa LRTA, ang huling tren ng LRT-1 mula sa Baclaran station at Roosevelt station at Santolan Station ng Line 2 ay aalis ng alas-8:00 ng gabi.
Ang huling tren naman sa Recto Station ng LRT-2 ay aalis ng alas-8:30 ng gabi. Magbabalik ang regular operation ng mga tren sa Abril 6, Lunes.