‘Dugo-dugo’ gang 2 ulit sumalakay sa Caloocan

MANILA, Philippines - Dalawang beses na su­malakay sa lungsod ng Caloocan ang mga miyembro ng notoryus na grupong ‘Dugo-Dugo Gang’ at nakatangay ng malaking halaga ng pera at alahas, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Caloocan City Police, dumulog kamakalawa ng hapon si Dapne De Guzman, 24, dalaga, kasambahay at stay-in sa Antique Street, Brgy. Bago Bantay, Quezon City, at iniulat ang naganap na panggagantso sa kanya.

Unang nakatanggap ng tawag sa telepono si De Guzman buhat sa isang babae na nagsasabing naaksidente ang kanyang mga amo at nangangailangan ng pera o alahas para maoperahan ang mga ito.  Naniwala naman si De Guzman at sumunod sa instruksyon ng tumawag at kinolekta ang mga alahas ng amo na nagkakahalaga ng P30,000.

Nagtungo si De Guzman sa may Samson Road sa tapat ng STI College dakong alas-3:40 kamakalawa ng hapon base pa rin sa instruksyon ng caller. Dito umano lumapit ang isang lalaki na nagpakilalang kasamahan ng tumawag sa kanya at siya na umano ang magdadala ng mga alahas para maipakita sa hindi binanggit na ospital.

Huli na nang mabatid ni De Guzman na nagoyo siya nang tumawag sa kanya ang amo na nagulat sa pangyayari.

Nauna dito, nabiktima rin ng hinihinalang iisang grupo ang kasambahay na si Joan Candelario, dalaga, stay-in sa bahay ng kanyang among si Rexford Organista, 25, inhinyero, ng Malate, Maynila nitong Marso 14.

Ayon kay Candelario, nakatanggap rin siya ng tawag buhat sa isang babae na nagsasabing naaksidente ang amo at kailangan ng pera pampaospital.  Puwersahang binuksan ni Candelario ang cabinet ng amo at kinuha ang mga pera at alahas na hindi pa mabatid ang kabuuang halaga saka nagtungo sa Samson Road, Caloocan City.  Dito sumulpot ang isang babae na kumuha sa backpack na naglalaman ng naturang pera at alahas at saka tumakas.

Patuloy na nanawagan ang pulisya sa mga kasambahay na huwag basta magtitiwala sa hindi kilalang caller habang pinayuhan ang mga amo na bigyan ng edukasyon ang mga kasambahay laban sa naturang uri ng sindikato.

Show comments