MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Quezon City Police ang isang engineer na itinuturing na most wanted person sa lalawigan ng Romblon at Mimaropa makaraang masangkot sa panunutok ng baril sa lungsod, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Supt. Joel Pagdilao, ang suspect na si Gardonio Macanto Jr., 47, engineer ng Masagana St., Brgy. Bahay Toro, Project 8 sa lungsod.
Bago ang pagdakip, ayon kay Pagdilao, si Macanto ay nasangkot sa panunutok ng baril sa isang hindi nakikilalang lalaki habang sakay ng isang Toyota Innova (ZEM 584) kamakalawa ng hapon. Ang insidente ay agad na inireport ng biktima sa Criminal Investigation and Detection Unit na agad na rumisponde pero nakatakas na ang suspect.
Ganap na alas-4 ng madaling-araw kahapon ay naispatan ang suspect sa harap ng isang convenient store sa Tandang Sora Avenue, kanto ng Mindanao Avenue sa lungsod, kung saan na ito naaresto ng tropa ni Insp. Alan dela Cruz, ng CIDU.
Sa ginawang beripikasyon, si Macanto ay may tatlong warrant of arrest sa kasong rape, isang kaso ng paglabag sa Republic Act 7610 o special protection of children against exploitation and discrimination act at kasong illegal detention na nangyari sa Romblon noong 2014.
Ayon kay Pagdilao, ang kasong rape ay naganap taong 2014 kung saan pawang nasa edad 14, 15 at 16 ang inabuso nito.
Gayunman, todo tanggi naman ang suspect sa paratang dahil gusto lamang anya siyang perahan ng kaanak ng mga ito kung kaya siya kinasuhan.