MANILA, Philippines – Makaraan ang suspension sa operasyon ng towing sa Maynila, pinag-aaralan naman ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang implemen tasyon ng ‘clamping’ sa mga sasakyang nakahambalang sa daan.
Ayon kay Moreno, dito makikita kung sino ang nagsasabi ng totoo sa pagitan ng motorista at enforcer. Paliwanag ni Moreno, hindi tumitigil ang lungsod ng Maynila sa paghahanap ng solusyon upang maibsan ang trapiko gayundin ang walang disiplinang motorista.
Sa ‘clamping’ aniya, lalagyan ng clamp o brace ang ilalim ng sasakyan at saka sususian kung ito ay naka-park sa ipinagbabawal na lugar.
Malaking abala aniya ito dahil hahanapin o hihintayin pa ng driver o motorista ang enforcers bago matanggal ang clamp matapos namang makapagbayad ng penalty sa city hall.
Giit ni Moreno, ipinasya niyang isuspinde ang towing dahil na rin sa sangkaterbang reklamo bagama’t karamihan sa mga enforcers ay nagpapatupad na lamang ng regulasyon.
Binigyan-diin ni Moreno na disiplina sa motorista ang kanilang pinaiiral dahil ang Manilenyo ang siyang direktang naaapektuhan.
Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi bibitiw ang lungsod ng Maynila sa kanilang adhikaing malutas ang trapiko.