MANILA, Philippines – Natagpuang walang buhay, nakadapa sa kalye at tigmak ng sariling dugo ang isang nasibak na miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktimang si PO1 Dennis Biescas, 40, may-asawa, dating nakatalaga sa Eastern Police District at residente ng #305 Muelle De La Industria, Binondo, Maynila. Wala na umano sa serbisyo o drop from the rolls na ang biktima.
Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 5:30 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa harapan ng gate ng Bliss Building C , sa Kagitingan St, malapit sa panulukan ng Moriones St. sa Tondo.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang .38 caliber revolver Armscor; isang replica ng .45 caliber pistol; at 29 piraso ng plastic sachet na walang laman at inaalam din kung may residue umano ng shabu. Hawak na ng tanggapan ng SOCO ang mga ebidensiyang ito.
Ang biktima ay may dalawang tama ng bala sa likuran ng ulo na pinaniniwalaang binaril habang nakatalikod.
Sa ulat, itinawag sa MPD-station 2 ng concerned citizen ang nakitang bangkay ng lalaki sa tabi ng mga sako ng basura. Nakasuot umano ng t-shirt na green na may tatak na “ARMY” at colduroy na pantalon, may dalang itim na bag.
Hindi umano akalain sa una na isang dating pulis ang biktima dahil sa mga tattoo na dragon sa kanang braso at mukha naman ni Jesus Christ sa kaliwang braso.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Homicide Section para matukoy ang salarin at motibo sa krimen.