MANILA, Philippines – Tatlo katao kabilang ang magkapatid ang iniulat na nasawi, habang apat na residente ang sugatan sa sunog na sumiklab sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City, sanhi umano ng naiwang upos ng sigarilyo, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal ang mga nasawi na sina Reymel Perez, 18; at Michele Perez, 20, at ang 3-anyos na si Kylie Servano, pawang residente sa nasabing barangay.
Habang ang mga nasugatan naman ay sina Ronald Cabrera, 43; Rose Ann Servano, 24; Elena Cabrera, 64; Rosalie Servano, 43.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may Margarita St., Nitang Avenue, Brgy. Gulod, partikular sa bahay ng isang Julieta Latona, 59, ganap na alas-12 ng madaling-araw.
Ayon sa ilang residente, nauna rito isang malakas na pagsabog ang narinig mula sa lugar hanggang sa lumikha na ng usok at apoy.
Sinasabing dahil gawa lamang sa light materials ang bahay, madali itong nilamon ng apoy, hanggang sa tuluyang kumalat sa kalapit bahay nito.
Sabi pa ni Fernandez, maayos na napasok nila ang lugar, kahit malayo sa kalsada dahil may malapit na fire hydrant at may open space din kaya madali ring naapula ang apoy.
Nang isagawa ang mopping operation, nadiskubre ang sunog na bangkay ng magkapatid na nakulong sa loob ng nasunog nilang bahay.
Ang ilan sa mga biktima ay tumalon sa nasusunog nilang bahay upang makaiwas sa apoy kung kaya sila nasugatan.
Umabot lamang ang sunog sa ikatlong alarma, bago tuluyang idineklarang fire out ganap na ala-1:30 ng madaling-araw.
Matapos tuluyang maapula ang apoy, 12 bahay ang iniulat na naabo, habang may 20 pamilya ang nawalan ng tirahan. Tinatayang nagkakahalaga naman ng P200,000 ang halaga ng ari-ariang naabo.
Dagdag ni Fernandez, tinitignan nila ang anggulong nagmula sa napabayaang sigarilyo ang sanhi ng sunog.