MANILA, Philippines – Pinamamadali na ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang paglutas sa kaso ng pagpatay kay Bgy. Chairman Oliver Franco ng riding in tandem sa Sta. Cruz, Maynila kamakailan.
Ayon kay Moreno, inatasan niya si Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Rolando Nana na lutasin sa lalong madaling panahon ang kaso upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Franco na maituturing na isa sa magagaling na Bgy. Chairman ng lungsod.
Si Franco ng Bgy. 349 Zone 35, ay pinagbabaril ng anim na beses sa ulo at katawan noong Marso 6 sa panulukan ng Antipolo at Felix Huertas Sts. sa Sta. Cruz, Maynila habang inaasikaso ang kanyang proyekto sa barangay.
Droga naman ang isa mga tinitignang anggulo ni Nana lalo pa’t mahigpit ang kampanya ni Franco laban dito kaya’t naging landslide ito sa election noong 2010 at 2013.Sinabi ni Nana na gun-for hire ang mga suspek na tumira kay Franco.
Kaugnay nito, kinondena naman ng konseho ng Maynila ang brutal na pamamaslang kay Franco. Anang konseho, kailangan agad na mapanagot ang responsible sa pamamaslang kay Franco.
Kabilang sa mga nanguna ay sina Councilors John Marvin “Yul Servo” Nieto, Ma. Asuncion “Re” Fugoso, Joel Chua, Bernardito Ang, Ernesto Isip, Jr., Manuel Zarcal, Salvador Philip Lacuna, Edward Maceda, Ernesto Dionisio, Jr., Raymundo Yupangco, Rolando Valeriano at Roberto Ortega, Jr.