MANILA, Philippines – Sinunog ng Manila Action Special Assignment (MASA) ang bultu-bultong mga herbal medicine at pampalaglag na nakumpiska nang salakayin ang kahabaan ng Evangelista St. at Quezon Blvd sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay MASA chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr., ang bentahan ng mga herbal medicine at iba pang uri ng pampalaglag ay labag sa kautusan ng simbahan lalo pa’t nasa paligid ito ng simbahan ng Quiapo.
Nabatid kay Irinco na personal na nagtungo si Msgr. Clemente Ignacio kay Manila Mayor Joseph Estrada hinggil sa bentahan ng iba’t ibang uri ng mga pampalaglag.
Kabilang sa mga nakumpiska ay mga sanga, tangkay, mga dahon, de boteng herbal medicine at maging ang Cytotec.
Giit naman ni Ignacio, hindi naman tama na nasa paligid pa ng Quiapo church ang mga gumagawa ng paraan upang makitil ang buhay ng mga walang muwang na sanggol habang patuloy naman ang pangaral ng simbahan na magparami at mamuhay ng sapat.
Nabatid na hindi lamang mga pampalaglag at herbal medicine ang nakuha kundi maging ang iba’t ibang uri ng sex gadgets na maaari namang magdulot ng pagkamatay ng gagamit sa posibilidad na maiwan sa loob ng kanilang ari.
Tiniyak naman ni Irinco na tuluy-tuloy ang kanilang kampanya laban sa bentahan ng mga pampalaglag hindi lamang sa Quiapo kundi maging sa paligid pa ng ibang simbahan sa lungsod.