MANILA, Philippines – Maaari nang makalaya mula sa Manila Police District-Homicide Section detention facility ang isang 44-anyos na lalaking pumatay sa sariling kapatid sa pamamagitan ng pananaksak pero dadalhin ito sa National Center for Mental Health (NCMH) dahil sa sakit umano sa pag-iisip, ayon kay MPD chief, Senior Insp. Melchor Villar.
Kahapon ay mismong mga kaanak ng biktima at ng suspek ang humiling na huwag nang sampahan ng kaso kaugnay sa pagpatay kamakalawa ng gabi sa kanyang ate na si Bernadeth, 45, ng Gagalangin, Tondo.
Nabatid na nagsumite na kahapon ng affidavit of desistance si Atty. Ramil Bugayong, abogado ng pamilya sa pagnanais nila Cesar Lopez at Ma. Adrienne Nakpil na hindi na itutuloy ang kaso.
Hiniling nila na mas makabubuti kong ipadala na lamang sa NCMH upang magamot ang suspek na si Bienvenido Gregorio na kasalukuyang nakapiit pa.
Una nang napaulat ang pananaksak ng suspek sa kanyang ate makaraang mapikon ang una sa pagtawag sa kanya ng huli ng ‘supot’ .
Pinatunayan din ng Punong Barangay na umaresto sa kanya na kusang umamin sa pagpatay ang suspek at nagtanong pa sa chairman na “chairman supot ba ako?” kasunod ng paglalabas ng kanyang ari. Ang suspek umano ay matagal nang lulong sa iligal na droga na posibleng dahilan upang mawala sa katinuan.