MANILA, Philippines – Isang jewelry shop ang nilooban ng mga kawatan at natangay ang tinatayang nasa P3-milyong halaga ng mga alahas at cash sa Mandaluyong City Police, kahapon ng umaga.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong City Police, nabatid na ang nilooban na shop ay ang Silver Time Jewelry na matatagpuan sa Limay St., Brgy. Barangka Itaas, sa lungsod.
Ayon kay Maribel Manalastas, 37, assistant manager ng Silver Time, natuklasan lamang nila ang panloloob ng hindi pa nakikilalang suspek kahapon ng umaga.
Sinabi ni Manalastas, naisarang mabuti ang establisimento dakong alas-10:30 ng gabi kamakalawa at pagpasok nila kahapon ng umaga ay sira na ang padlock sa pintuan ng shop, basag ang mga glass display rack at nawawala na ang mga alahas.
Kabilang sa mga natangay ng mga magnanakaw ay iba’t ibang uri ng mamahaling gintong bracelet, kuwintas na may mga kasamang pendant na tinatayang nagkakahalaga ng P1.2 milyon at iba’t ibang Silver na bracelet, kuwintas at singsing na tinatayang nasa P200,000 ang halaga.
Natangay din ng mga suspek ang isang diamante na 1.7 milyon ang halaga gayundin ang cash sa vault na P75,000.
Blangko pa ang mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng pagnanakaw dahil walang closed circuit television (CCTV) camera sa loob ng shop.