MANILA, Philippines - Pansamantala na namang itinigil ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga makaraang ma-detect at mapansin ng isang operator na putol ang riles ng tren.
Ayon kay MRT-3 General Manager Roman Buenafe, dakong alas-5:45 ng madaling araw nang patigilin ang north-bound line ng MRT-3 train sa pagitan ng Boni Avenue at Guadalupe Stations.
Sinabi ni Buenafe, napilitang pababain ng tren ang mga pasahero na naglakad na lamang sa gilid ng riles pabalik sa Boni Avenue Station na siyang dahilan ng pagka-inis at pagkadismaya ng mga ito.
Nalimitahan ang operasyon ng tren mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard stations hanggat hindi naisaayos ang nasirang riles.
Dakong alas-6:15 na ng umaga nang matapos ang pagkukumpuni sa riles, nilagyan ng ‘clamps’ at muling nagbalik sa normal ang operasyon ng MRT-3. (Mer Layson)