MANILA, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng limang taxi units na napatunayang hindi sumunod sa kautusan ng ahensiya hinggil sa pagbababa ng P10 sa flagdown rate ng naturang sasakyan.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Gines, papadalhan ng ahensiya ng show cause order ang naturang mga taxi operators upang magpaliwanag kaugnay sa pag-isnab na sundin ang bawas na P10 sa flag-down rate sa taxi nationwide.
Anya, ginawa ang hakbang bunga na rin ng pagdagsa ng mga reklamo sa kanilang twitter account kaugnay ng bawas pasahe sa taxi.
Sinasabing ang ilan sa mga naireklamo na hindi nagbawas ng pasaheng taxi unit ay ang Yellow dragon taxi; Tuasco taxi, Nine star taxi at ang dalawang taxi na may plakang TYV 299 at AYS -494.
Habang pinagpapaliwanag ang taxi operators ng naturang mga sasakyan ay inutos na ni Gines ang pagsuspinde sa drivers license ng mga driver nito at grounded ang taxi unit na nairereklamo.
Niliwanag din ni Gines na plano ng ahensiya na magbigay ng libreng sticker sa mga taxi operators para ilagay sa kanilang unit bilang pagbibigay alam sa publiko na may P10.00 bawas sa kabuuang taxi fare ng bawat pasahero ng naturang sasakyan.