Sa pagsasampa ng kaso sa mga Binay Ombudsman ipinagtanggol ng solon

MANILA, Philippines - Hindi magsasampa ng kaso ang mga imbestigador ng Ombudsman laban kay Vice President Jejomar Binay at sa anak nito na si Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay kung walang matibay na ebidensya ang mga abogado na magdidiin sa kanila sa kasong katiwalian. Ito ang paliwanag ni Quezon City Rep. Kit Belmonte nang ipagtanggol ang Office of the Ombudsman sa desisyon nitong sampahan ng kaso ang mag-amang Binay at 22 indibidwal na kasabwat umano nito sa katiwaliang bumabalot sa kontrobersyal na Makati Parking Building.

Bukod sa mag-amang Binay, 22 pang opisyales ng pamahalaang lungsod ng Makati ang inireklamo rin ng mga tagapag­siyasat na binuo ng Office of the Ombudsman upang tignan kung sapat ang ebidensya upang kasuhan ang mga Binay. Sinabi ni Belmonte, isang abugado at kasapi ng Liberal Party, “na bagama’t hindi pa kasong kriminal ito, may paniniwala ang mga nag-imbestiga na may sapat na ebidensya para kasuhan ang mga Binay sa paglabag ng Republic Act No. 3019, ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at pati na rin sa Republic Act No. 9184, ang Government Procurement Reform Act.”

Dahil ang sumbong ay inilatag na sa Office of the Ombdusman, dagdag ni Belmonte, “hindi na rin maaaring sabihin   na ang mga kaso   ay gawa-gawa lamang ng mga talunan sa Makati at pati na rin ng mga nagnanais na labanan siya sa halalang pampanguluhan sa Mayo 9, 2016.” Sa isang banda, ani Belmonte, “natupad na ang kahilingan nin Bise Presidente Binay na kasuhan na lamang siya sa halip na pahabain pa ang pagsisiyasat sa kanya ng Senate Blue Ribbon subcomittee na pinangunguluhan ni Senador Aquilino Pimentel III.”

Sapagkat ang labanan ay digmaan ng ebidensya, hinikayat ni Belmonte na maging masinop si Bise Presidente Binay sa paglalatag ng kanyang kontra-ebidensya laban sa mga isinumite ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, na siyang patuloy na tumutuligsa sa mga ito. Ang sumbong laban kay Binay ay ang kanyang diumano’y paglabag sa Section 3(e) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kilala rin bilang Republic Act No. 3019, at paglabag rin sa Government Procurement Reform Act, na kilala bilang Republic Act No. 9184.

 

Show comments