Dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo, mistulang panloloko

MANILA, Philippines -  Umalma kahapon ang ilang motorista na nagsabing mistulang niloloko na sila ng ilang kompanya ng langis na matapos magpatupad ng rollback sa kanilang produktong petrolyo  noong nakaraang linggo, ngayon naman ay bigla-bigla na namang    magpapatupad ng taas presyo.

Ang oil price hike ay pinangunahan ng Pilipinas Shell, na nagka-epektibo alas-12:01 ng madaling-araw ngayong Martes.

Nasa P0.95 kada litro ang taas ng gasolina at P0.55 naman sa kada litro sa krudo o diesel at habang wala naman paggalaw sa presyo ng kerosene.

Base sa ipinadalang text messages ni Ina Soriano, ng Pilipinas Shell,  ang pagtaas sa presyo ng kanilang gasolina at diesel  ay bunsod ng paggalaw ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Inaasahan namang magpatupad din ng kahalintulad na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang iba pang kompanya.

Matatandaan, na noong Martes. Marso 3 ay nagpatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng kanilang produkto ang ilang oil companies. Dahil sa nakalilito at pabago-bagong presyuhan, ayon sa ilang motorista, mistulang nakakaloko na aniya ang mga oil companies.

 

Show comments