MANILA, Philippines - Nakalabas na ng ospital si Cavite Vice Governor Jolo Revilla matapos ang pagkakabaril nito sa kanyang sarili sa bahay ng kanyang mga magulang sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Atty. Raymond Fortun, tagapagsalita ng pamilya Revilla, Linggo ng gabi nang ma-discharge si Jolo mula sa Asian Hospital at sa bahay na lamang nila sa Ayala Alabang Village nito ipagpapatuloy ang pagpapagaling.
Kasabay nito, humiling din ang batang Revilla na mabigyan siya ng 30-araw na leave bago tuluyang bumalik sa trabaho maliban kung may iniinda pang karamdaman.
Matatandaan, na noong Pebrero 28 ng taong kasalukuyan araw ng Sabado, alas-9:00 ng umaga nang aksidente umanong mabaril ng naturang bise gobernador ang sarili mula sa nililinis nitong kalibre .40 Glock pistol dahilan upang malagay sa kritikal na kondisyon ang buhay nito matapos magkaroon ng ilang kumplikasyon.??
Dahil sa insidente, pinayagan ng Sandiganbayan ang kanyang amang si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na makalabas ng kulungan para bisitahin ito sa ospital.
Nagpasalamat naman ang pamilya Revilla sa mga taong nagdasal para sa mabilis na paggaling ni Jolo.