MANILA, Philippines – Kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month and International Women’s Day kahapon, pinapurihan naman ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang lahat ng mga babaeng postal workers sa bansa.
Ayon kay Postmaster General Josie Dela Cruz, na kauna-unahang babae na postmaster, saludo siya sa mga kartera at babaeng empleyado sa bansa na walang sawa sa paghahatid ng sulat ng mga Filipino saan mang panig ng bansa.
Sinabi ni Dela Cruz, na malaki ang pagbabago at pag-unlad ng PHLPost lalo pa’t umaabot na sa 300 kababaihan ang naitalaga bilang kartera sa buong bansa.
Binigyan diin ni Dela Cruz, na kung dati ay pawang trabaho ng kalalakihan ang pagde-deliver ng sulat, binago at binuksan na ito para sa oportunidad sa mga kababaihan.
Nilinaw ni Dela Cruz na kailangan ding ligtas sa mga kababaihan ang mga lugar na kanilang pupuntahan.
Kailangan aniyang maging pantay-pantay ang pagtingin sa trabaho upang mas maging maayos at maunlad ang bansa.