MANILA, Philippines – Papauwi na lamang sa bahay nang abutin pa ng malas ang isang 18-anyos na binata nang saksakin sa kili-kili ng nakasalubong na grupo ng kalalakihan, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Naisugod ng kaniyang kasamang pinsan sa University of Sto. Tomas (UST) Hospital, ang biktimang si Robert Reyes, ng no. 898 Quezon Boulevard Sta. Cruz, Maynila dahil sa tama ng saksak sa ibabang bahagi ng kili-kili.
Hindi naman nasaktan ang pinsan nitong si Ernie Hubajeb,18, na siyang nagsugod sa hospital sa biktima.
Sa ulat ni Supt. Aldrine Gran, hepe ng Manila Police District-station 3, alas-4:20 ng madaling-araw nang maganap ang insi-dente sa kahabaan ng Quezon Boulevard, sa bahagi ng Sta. Cruz.
Pauwi umano mula sa isang birthday party sa Tondo ang dalawa nang maisipang kumain muna sa karinderya at sa paglalakad pauwi nang makasalubong ang grupo ng mga suspek na unang kinursunada sila hanggang sa makipagtalo umano ang biktima.
Isa sa mga suspek ang bumunot ng patalim at inundayan ang biktima at saka nagsitakas.