Indian national, naningil ng pautang, pinatay
MANILA, Philippines – Patay ang isang Indian national nang pagbabarilin habang naniningil ng pautang sa Baseco, Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.
Naisugod pa sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center ang biktimang si Bakesk Kumar, 30, ng Quezon City.
Hindi pa tukoy ang suspek na tumakas matapos ang pamamaril bitbit ang ginamit na kalibre .45 pistola.
Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng umaga nang barilin ang biktima sa tapat ng kanyang nakaparadang Honda TMX motorsiklo (VC-3240) sa Block 42, New Site, Baseco.
Naniningil umano ng pautang ang biktima sa lugar nang biglang lumutang ang suspect at pagbabarilin ang una. Tinangka pa itong isugod sa ospital pero hindi na rin naisalba pa ang buhay.
Wala namang tinangay na gamit o salapi mula sa biktima.
Posible umanong may nag-utos lamang sa gunman na patayin ang biktima na posibleng may kinalaman sa malaking utang upang hindi na masingil.
- Latest