MANILA, Philippines – Bunsod ng halos araw-araw na aberya sa biyahe ng Metro Rail Transit kaya kumonti o bumaba na ang bilang ng mga pasaherong sumasakay dito.
Ayon kay DOTC spokesman Michael Sagcal, natatakot ang ibang pasahero na sumakay sa MRT-3 dahil sa palagian na lamang nagaganap na aberya at hindi maiwasang masaktan ng iba.
Sinabi ni Sagcal, noong 2013 ay nasa 540,000 kada araw ang mga pasahero ng MRT-3 pero simula 2014 ay bumaba ito sa 466,000 kada araw at patuloy pang bumababa sa 1st quarter ng 2015.
Una nang iniulat ni MRT-3 General Manager Roman Buenafe na nitong Feb. 16, 2015 ay nakapagtala sila ng pinakamababang bilang ng mga tren na umaandar sa isang araw, o 9 hanggang 10-train sets lamang, na kalahati ng dating 18 hanggang 20-train sets na bumibiyahe bunsod ng mga aberya dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Tiniyak naman ni Sagcal na pinipilit nilang magkaroon ng emergency procurement ng mga spare parts ng mga sirang tren para magkaroon ng bidding sa Marso at maisaayos na ang mga ito.
Nais na rin ng pamunuan ng MRT-3 na magkaroon ng bagong maintenance provider sa Abril.
Samantala, inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang ginawa nilang pagpapalit ng riles ng LRT-1 sa Monumento Station sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay LRTA spokesman Atty. Hernando Cabrera, mismong si LRTA Administrator Honorito Chaneco ang nangasiwa sa naturang rail replacement activity na isinagawa dakong alas-12:33 ng madaling- araw kahapon sa southbound track, malapit sa Monumento Station.
Ang proyekto aniya ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na panatilihing ligtas ang biyahe ng mga mananakay ng LRT-1.
Kabilang sa mga pinalitan ay mga clips, mga pads, insulators at mismong riles.
Ang pagpapalit ng lumang riles ay isinagawa matapos ang 30-taong serbisyo nito sa mga mananakay.