MANILA, Philippines - Malaki umanong kalokohan ang ginawang paninisi kay DILG Secretary Mar Roxas sa Mamasapano massacre.
Ito ang sagot ni Quezon City Rep. Bolet Banal sa tirada ni Rep. Toby Tiangco sa umano’y pagkabigo ni Roxas na isalba ang buhay ng 44 na SAF commandos sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25.
“Walang basehan si Tiangco na sisihin si Roxas sa madugong insidente dahil wala itong alam sa pagpaplano at pagpapatupad ng Operation Exodus,” paliwanag ni Banal.
Binanatan ng lider ng Liberal Party at House Senior Deputy Majority Floorleader ang kanyang kasama sa Kamara sa “pagtatangka nitong bigyang kulay ang aksiyon ni Pangulong Aquino na umano’y sinadyang paikutan si Roxas tungkol sa operasyon para masakote ang Malaysian bomber na si Zulkifli bin hir alyas “Marwan.”
Sinabi pa ni Banal na ang gustong palabasin ni Tiangco na umano’y hindi na itinuturing ni President Aquino na “matalik na kaibigan” si Roxas ay panawag pansin lamang para makakuha ng publisidad.
Idinagdag pa ni Banal na mas grabe ang ipinahiwatig ni Tiangco na umano’y nawala na ang tiwala ng Pangulo kay Roxas.
Noon pa man ay itinuring na ng Pangulo si Roxas na kanyang troubleshooter,” at ito aniya ang rason kung bakit ipinadala siya sa Eastern Visayas para ihanda ang mga local authorities at kanilang nasasakupan na harapin ang bantang pananalasa ng bagyo at rehabilitasyon na mga lugar na pininsala ng lindol.”
Niliwanag ni Banal ang mga tungkuling iniatas kay Roxas ay patunay ng patuloy na ginagawa niya ang kanyang responsibilidad at nananatili siyang tapat sa mga awtoridad.