MANILA, Philippines - Tigok sa kaniyang kinatatayuan ang isang 41-anyos na barangay chairman, habang nagpapakain ng mga alagang ibon sa kaniyang itinayong garden and orchard sa gilid ng Philippine National Railways (PNR) station sa panulukan ng Antipolo at Oroquieta Sts., sa Sta,Cruz, Maynila, kahapon ng hapon.
Wasak ang noo dahil sa tama ng bala ng biktimang kinilalang si Oliver Franco , chairman ng Barangay 349 Zone 35 District 3,.
Humarurot naman papatakas ang mga suspek na magka-angkas sa motorsiklo at armado ng Ingram , isang uri ng sub machine gun.
Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun sa tanggapan ni Manila Police District-Homicide Section chief, C/Insp. Melchor Villar, naganap ang insidente dakong alas -12:30 ng hapon sa panulukan ng Antipolo at Oroquieta Sts., sa Sta.Cruz, halos tabi lamang ng kaniyang barangay hall.
Agad nang iniutos ni Villar ang follow-up operation laban sa mga suspek at kung may makikitang footage sakaling may closed circuit television (CCTV) sa lugar.
Nanghihinayang naman ang mga residente sa pagkamatay ng kanilang tserman na siya umanong nagpaganda sa kanilang lugar, patunay dito ang pagko-convert niya sa marumi at tambak na basura sa gilid ng riles na isa nang ipinagmamalaking hardin sa distrito dahil sa mga halaman kabilang ang mga namumungang puno ng prutas, ornamental at mga alagang manok at ibon.
Patuloy pa ring isinasagawa ang malalimang imbestigasyon sa insidente.