Mag-asawang sangkot sa KFR, arestado

MANILA, Philippines - Nalambat na ng mga ope­ratiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang mag-asawang miyembro ng kilabot na  kidnap for ransom (KFR) gang matapos ang pagsalakay sa kanilang lungga sa Lucena City, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD), ang mga suspect ay kinilalang sina Resty Branzuela, alyas Joseph Licay Carbonell, 30, residente sa Brgy. Poblacion, Tarlac City; at Maria Andrea Branzuela, ng Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD-CIDU, si Resty ay lider ng notorious na KFR na ‘Ga-Ga gang ‘at pang-apat sa listahan ng most wanted person sa NCR; habang ang asawa nitong si Maria ay pang-10 sa listahan ng most wanted person sa buong kapulungan.

Ang mag-asawa, aniya ay sangkot sa serye ng KFR, robbery,  gayundin ang car­napping activities at kadalasang nag-ooperate sa Metro Manila at kalapit probinsya.

Nadakip ang dalawa sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Ma. Rita A. Bascos-Sarabia, presiding Judged ng QC Regional Trial Court, branch 99 na may petsang Nov. 27, 2014 sa kasong kidnapping for ransom na walang inirekomendang piyansa.

Sa ulat, nadakip ang mga suspect sa loob ng isang convenience store na matatagpuan sa Brgy. Domoit, Lucena City, ganap na alas- 11, Martes ng umaga.

Bago ito, isang impormas­yon ang nakalap ng CIDU ka­ugnay sa pagkakakita sa mga suspect na nagtatago sa may bahagi ng Lucena City.

Dahil dito, agad na bumuo ng tropa ang CIDU kasama ang Theft and Robbery Section sa pamumuno ni P/Insp. Alan dela Cruz, at anti-kidnapping group sa pangunguna ni P/Insp. Jonathan Rabanal at tinungo ang naturang siyudad, bitbit ang mandamyento de aresto.

Pagsapit sa lugar ay agad na nakipag-coordinate ang tropa sa Lucena Police Station kaugnay sa operasyon, hanggang sa ganap na alas-2 ng madaling-araw ay matanggap ng naturang himpilan ang impormasyon hingil sa isang kahina-hinalang lalaki na pagala-gala sa nasabing tindahan.

Agad pumoste ang tropa sa palibot nito at inaresto ang lalaki na kalaunan ay na­batid na si Resty na nagpa­pakilalang si Joseph Licay Car­bonell. Habang iniimbestigahan ay lumutang naman sa lugar ang asawa nito dahilan para arestuhin din ito.

Matapos nito, ang suspect na si Resty ay dinala sa himpilan ng CIDU habang ang asawa nito ay dinala naman sa tanggapan ng AKG sa Camp Crame para sa kaukulang desposisyon.

Show comments