Preso sa Bilibid, tinarakan ng kapwa preso

MANILA, Philippines - Isang preso ang nasa kritikal na kondisyon nang saksakin ito ng kapwa niya preso habang ang una ay nakaratay sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Hospital sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang biktima na si Alivio Anelito, na nagtamo ng tatlong saksak ng gunting sa dibdib.

Samantala, nakatakda namang ibartolina ang presong suspect na si Regelio Botoc, miyembro ng Batang City Jail.

Batay sa isinumiteng report kay NBP Superintendent Richard­ Schwarzkopf, alas-12:49 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng NBP Hospital ng naturang siyudad.

Ayon kay Schwarzkopf, kasalukuyan naka-confine si Anelito sa Ward 3 ng nasabing pagamutan dahil sa sakit na diabetes at hypertension nang pumasok at sugurin ito ng saksak ni Botoc.  

May matagal na umanong alitan sina Anelito at Botoc.  Patuloy na iniimbestigahan ang naturang insidente. (Lordeth Bonilla)

 

Show comments