MANILA, Philippines – Matapos pasimulang kumpunihin ang riles, banyo o Comfort Room (CR), elevator at escalator naman ng Metro Rail Transit (MRT)-3 ang pinasimulang isaayos kahapon.
Ayon kay Roman Buenafe, Genaral Manager ng MRT-3, nag-umpisa na ang kaniyang mga tauhan na ayusin ang mga sirang tubo sa CR sa northbound line ng North Avenue station.
Sinabi ni Buenafe, pinapalitan na rin ang mga basag at sirang tiles sa palikuran upang maging kaaya-aya sa bawat commuter na gagamit nito.
Tiniyak din ni Buenafe na hindi na mawawalan ng supply ng tubig sa kanilang mga CR sa MRT dahil inalis na ang bara ng mga ito. Maging ang pagkukumpuni sa mga elevator at escalator na kadalasang ginagamit ng mga bata, matatanda at may kapansanan ay unti-unti na ring isinasaayos.
Plano rin ni Buenafe na palitan na ang buong system na ginagamit sa mga elevator at escalator upang lalo pang mapabuti ang serbiyo sa mga pasahero ng MRT-3.
Nitong weekend ay pinaikli ng MRT-3 operating time nila kung saan ay maagang nagsara noong Sabado, na hanggang alas-9:00 lamang ng gabi sa halip na alas-10:30, at alas-12:00 lamang ng tanghali nagbukas nitong Linggo dahil sa pagkukumpini sa mga sirang riles.
Itutuloy ngayon Marso 7 at 8 ng MRT-3 ang kanilang pinaikling biyahe para isaayos pa ang kanilang mga riles na isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng aberya sa biyahe.