MANILA, Philippines - Muli na namang nagkaaberya ang Metro Rail Transit (MRT) dahilan upang maabala ang mga mananakay nito kahapon ng umaga sa Makati City.
Dahil sa insidente, kinailangang ibaba ang daan-daang pasahero sa Ayala MRT Station at marami rito ang nakaranas ng matinding abala.
Ayon sa pamunuan ng MRT, pasado alas-8:00 ng umaga nang magkaaberya ang isang train nito pagsapit ng south-bound lane ng Buendia o Gil Puyat Avenue Station ng naturang lungsod.
Nabatid sa MRT management, na breaking indication ang isa sa mga nakikita nilang dahilan ng aberya.
Nabatid, na nauna nang inamin ni MRT General Manager Roman Buenafe na pinakamalaking problema ng MRT ay ang riles na nagdudulot ng biglaang pagpreno at paghinto ng train.
Dahil nga sa kadalasang aberya sa MRT, ngayong araw ng Sabado ay magsisimula na ang pinaiksing operation o shortened operation ng MRT-3 upang bigyang daan ang pagpapalit ng riles nito.
Wala nang biyahe ang MRT mula alas-9:00 Sabado ng gabi (Pebrero 28) hanggang alas-12:00 Linggo ng tanghali (Marso 1).
Aniya, ikakabit ng maintenance contractor na Global APT ang winelding na riles sa bandang Taft at Magallanes Station, gamit ang riles na kinuha nila mula sa depot.