MANILA, Philippines - Patay ang isang 76-anyos na lola habang malubha namang nasugatan ang kakambal nito makaraang pasukin ng hinihinalang magnanakaw ang kanilang tinutuluyang bahay sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nakilala ang nasawi na si Purisima Torregrosa, dalaga, habang sugatan naman ang kapatid nitong si Pura.
Ayon kay PO2 Shun Patrick Petuco, imbestigador sa kaso, ang magkapatid na kambal ay pitong taon nang caretaker sa bahay ng isang Mr. Go, kaibigan ng kanilang pamilya na matatagpuan sa Talayan Road, Talayan Village, Brgy. Talayan sa lungsod kung saan sila kasalukuyang naninirahan.
Sabi ng imbestigador, ang kalunus-lunos na kalagayan ng magkapatid ay nadiskubre lamang ni Albert Torregrosa, anak ni Pura, nang dumating ito ng kanilang bahay, ganap na alas-9:10 ng gabi.
Ayon kay Albert, bago ito, nagtaka na lang siya nang makitang bahagyang nakabukas ang gate ng kanilang bahay dahilan para agad siyang pumasok at makita ang walang buhay na katawan ng tiyahing si Purisima habang duguang nakasalampak sa sahig malapit sa main door. Kasunod nito ay hinanap ni Albert ang kanyang nanay na si Pura at natagpuan sa kuwarto na walang malay-tao.
Agad na humingi ng tulong si Albert sa kanilang kapitbahay at itinakbo ang kanyang nanay sa Chinese General Hospital kung saan ito ngayon nakaratay dahil sa mga pasa na natamo sa kanyang mukha.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), si Purisima ay nagtamo ng head injury at sugat sa kanyang mga braso.
Samantala, base sa inisyal na pagsisiyasat naman ng La Loma Police Station-1, robbery ang motibo sa krimen dahil nawawala ang 22 inch LED television sa bahay ng mga biktima.
Lumabas pa sa ulat na pinasok ng hindi nakikilalang salarin ang bahay sa pamamagitan ng puwersahang pagsira sa main door, at nang makapasok ay saka sinimulan ang pagnanakaw sa nasabing item at tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente kung papaano nauwi ito sa pagpatay.