MANILA, Philippines - Utas ang isang 54-anyos na barker nang pagbabarilin sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ng riding-in-tandem sa tapat ng Lope De Vega Tower sa Felix Huertas St., sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Dionicio Bernales, isang ex-convict na miyembro ng ‘Commando gang’ at residente ng Maya-Maya St., Malabon City.
Idineklarang patay ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) dakong alas-4:20 ng hapon.
Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-2:50 ng hapon sa bangketa sa tapat ng nasabing condominium, malapit sa Fabella Hospital
Nabatid na habang naghihintay ng taxi ang suspek para sa mga pasyente ng Fabella Hospital ay naupo muna ito sa bangketa ng nasabing tower condominium nang biglang lapitan ng riding-in-tandem.
Walang sabi-sabing pinaulanan siya ng bala ng dalawang suspect.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa sentido at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima dahilan ng kanyang kamatayan.
Wala namang nais magsalita sa lugar, maliban sa ilang impormasyon ang biktima ay gumagamit umano ng iligal na droga at ‘runner’ umano ng mga taxi driver sa pagbili ng iligal na droga kaya tinitingnan din ang anggulo sa droga.