MANILA, Philippines - Magsisimula na bukas, araw ng Sabado ang pinaiksing operation o shortened operation ng Metro Rail Transit (MRT-3) upang bigyang daan ang pagpapalit ng riles nito.
Ayon kay MRT General Manager Roman Buenafe, walang biyahe ang MRT-3 mula alas-9:00 Sabado ng gabi (Pebrero 28) hanggang alas-12:00 Linggo ng tanghali (Marso 1).
Aniya, ikakabit ng maintenance contractor na Global APT ang winelding na riles sa bandang Taft at Magallanes station, gamit ang riles na kinuha nila mula sa depot.
Una nang inamin ni Buenafe na pinakamalaking problema ng MRT-3 ang riles na nagdudulot ng biglaang pagpreno at paghinto ng tren.
Umalma naman ang private owner na MRT Holdings dahil hindi umano ipinagpaalam ang pagkuha ng riles sa depot.
Gayunman, tiniyak ni Buenafe sa MRTH na papalitan naman nila ito sa sandaling dumating na ang mga inorder nilang kagamitan mula sa ibang bansa.