MANILA, Philippines – Kilos protesta ang isinalubong ng mga militanteng grupo sa pagdiriwang ng ika-29 anibersaryo ng People Power Revolution na ginaganap sa Edsa People Power Monument at Edsa Shrine sa Ortigas, kahapon.
Alas-5 ng umaga ay nagtipun-tipon ang mga militanteng Anakbayan at Anak Pawis sa bukana ng Welcome Rotonda para sa gagawing caravan patungo sa mismong People Power Monument at EDSA Shrine sa Ortigas.
Sigaw ng mga militante ang pagbaba sa puwesto ng Pangulong Aquino, gayundin ang pagbibigay ng katarungan sa mga tinaguriang Fallen 44. Nakaantabay naman sa kilos protesta ang mga kagawad ng QC Police Station 2 para sa road at public safety.
Pasado ala-1 ng hapon nang simulang magmartsa ang mga militante mula Welcome Rotonda, patungo ng EDSA Shrine.
Ayon kay Quezon City Police District-Public Information Office Chief Senior Insp. Maricar Taqueban, naging mapayapa naman ang seguridad na ipinatupad ng kanilang tropa sa iba’t ibang lugar, habang ipinagdiriwang ang nasabing okasyon.
Aniya, alas-5 ng madaling-araw ay nagtalaga na sila ng mga pulis sa mga pangunahing lugar ng pagdiriwang, gayundin sa EDSA MRT, Santolan, Temple Drive, at Ortigas na may kabuuang 1,183.
Samantala, pansamantalang naging tahimik at maluwag ang biyahe ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA, partikular sa bahagi ng North Avenue, hanggang Ortigas, habang isinasagawa ang nasabing pagdiriwang.
Sinasabing ang pagluwag ng kalsada ay bunga ng pagkaka-ipit ng maraming mga sasakyan na bumibiyahe naman mula sa Pasay patungo sa North Avenue, matapos isara ang kalye dito mula EDSA Shaw Boulevard bunga ng selebrasyong ginawa sa EDSA People Power Monument na nasa bahagi ng White Plains.
Kasama rin sa sumaksi sa seremonya ang may 1,000 katao na kinabibilangan ng mga kawani ng gobyerno, at miyembro ng iba’t ibang organisasyon.