MANILA, Philippines – Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., base sa bilang na naitala sa kanilang 2014 Annual Report, umabot sa 190 public officials, na kinabibilangan ng 56 elected officials, 49 law enforcers at 85 government employees ang nadakip sa iligal na droga.
“This is 37.68 percent higher than CY 2013 where 138 government officials were arrested for violating the anti-drug law and the highest since 2011,” sabi pa ni Cacdac, dagdag pa na ang nasabing bilang ay patuloy na tumataas sa mga sumunod na taon.
Mula sa 56 na naarestong elected officials, isa ang municipal councilor sa Matanog, Maguindanao, habang 55 na iba pa ay alinman sa mga barangay chairman o barangay kagawad.
Sa hanay ng mga law enforcer, ang pinakamataas na ranggong opisyal na naaresto ay may ranggong Chief Inspector.
Karamihan anya sa mga naarestong government officials at mga kawani ay mula sa Ilocos Region na may 25, kasunod ang Eastern Visayas 22. Sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao, ang pinakamataas na nakapagtala ng pagdakip sa mga law enforcers sa bilang na 10 at 8.
Giit ni Cacdac, nakaka-alarma na ang pagtaas ng bilang ng mga government officials at law enforcers na nasasangkot sa aktibidad ng iligal na droga na dapat sana ay siyang tagapagpatupad ng batas, magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang lugar.