Riles ng MRT-3, inaayos na
MANILA, Philippines – Unti-unti nang inaayos o kinukumpuni ang ilang bahagi ng riles ng Metro Rail Transit, na isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng aberya sa biyahe ng mga tren sa MRT-3.
Ayon kay MRT-3 spokesman Hernando Cabrera, dakong ala-1:10 ng madaling-araw nang isagawa ang pagkukumpuni sa riles na matatagpuan sa pagitan ng Taft at Magallanes stations. Ani Cabrera, kabilang sa isinagawa ng mga crew ay section rail replacement kung saan ay winelding ang mga mahinang bahagi ng riles at pinalitan.
Sinabi ni Cabrera, naging sunud-sunod ang aberya sa MRT-3 dahil sa mahina ng riles, bukod pa ang kakulangan ng power supply at biglaang pagpreno na ikinairita ng mga pasahero at ang iba ay nasaktan pa.
Plano na ng MRT-3 na paigsiin ang operasyon ng MRT-3 tuwing weekend upang bigyang-daan ang pagkukumpuni sa riles ngunit hinihintay pa nila ang pagdating ng ilang gamit na magmumula pa sa ibang bansa.
Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa North Avenue sa Quezon City at Taft Avenue sa Pasay City via Epifanio delos Santos Avenue.
- Latest