MANILA, Philippines – Isang miyembro ng Quezon City Police District ang sugatan makaraang hampasin sa ulo ng isa sa mga carjacker na tumangay ng kanyang Tamaraw FX habang ipinaparada niya ito sa isang parking lot sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay nakilalang si PO3 Gerardo Granado, 47, nakatalaga sa CIDU-warrant section. Si Granado ay naka-confine ngayon sa ospital matapos na magtamo ng sugat sa ulo bunga ng insidente, ayon kay PO2 Shun Patrick Petuco, imbestigador sa kaso.
Ayon sa ulat, dalawang armadong suspect ang umatake sa biktima at tumangay ng kanyang FX (TSY-202) kasama ang isang kalibre 9mm na pistola at 2 magazine nito, cellphone, maging ang mga importanteng dokumento tulad ng identification card.
Nangyari ang insidente sa parking lot sa Regalado Avenue, Brgy. Pasong Putik, ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Bago ito, kapaparada lamang ng biktima ng kanyang sasakyan sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang mga suspect. Sinasabing ang isa sa suspect ay bigla na lamang sinakal ang biktima habang ang kasama naman nito ay hinataw ng matigas na bagay sa ulo ang huli sanhi upang mawalan ito ng malay-tao.
Dito na tinangay ng mga suspect ang sasakyan ng biktima na nagising na lang na wala na ito saka nagtungo sa Commonwealth Medical Center kung saan siya nakaratay dahil sa tinamong sugat sa ulo.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.