MANILA, Philippines – Pormal nang sinampahan kahapon ng kasong kidnapping sa Taguig City Prosecutor’s Office ang babaeng kumidnap sa bagong silang na sanggol na lalaki kamakailan sa isang ospital.
Nabatid kay Chief Inspector Benito Basilio, hepe ng Taguig City Police, Criminal Investigation Division, sinampahan na nila ng kasong kidnapping ang suspek na si Roseman Mañalac, 24.
Matapos nitong kidnapin ang sanggol na si baby Francis John, anak ng mag-asawang Cherry at Johnerel Bacailo noong Pebrero 12, alas-9:25 ng gabi sa Taguig-Pateros District Hospital.
Matatandaan, na nadakip si Mañalac sa isinagawang follow-up operation ng Taguig City Police, Biyernes (Pebrero 20), alas-9:00 ng gabi sa tinitirhan nito sa Aguahan Dos, Brgy. Bagumbayan, Taguig City.
Sa salaysay ni Cherry, ilang oras matapos niyang ipanganak ang kanyang sanggol at habang katabi niya ito sa higaan isang babaeng nagpakilalang taga-social welfare office ang lumapit sa kanya.
Naka-ID umano ang babae at nagpakilalang si Ms. Lily at maayos naman umano itong nakipag-usap at nagpapaliwanag ukol sa mga bagong patakaran ng DSWD ukol sa pagbibigay ng discount.
Umalis umano ang babae sandali at muling bumalik at kinuha ang kanyang anak dahil naka-schedule umano ito para sa new-born screening hanggang sa tuluyan na nitong tinangay.